KALIMUTAN ANG EDUKASYON. Kalimutan muna natin ang
paghangad sa mailap na magandang edukasyon gamit ang papalit-palit na kurso o kurikulum na gawa ng lupon ng mga magagaling na tagapag-iwi . Pag-usapan muna natin ang ugat o
ang pinagmumulan o tagapag-gawa ng kurikulo… Ang pagsasakripisyo at ang ginagawang pagbabalikat nito…
Ang ‘pinakamahalagang propesyon’ na
ginagawa ng iyong guro… Ang pagtuturo.
Mula sa mababang suweldo hanggang sa mabababang uri ng
silid-aralan; mula sa sobrang daming isinasaayos na mga papeles hanggang sa
napakaraming estudyante sa isang klase; mula sa kawalang-respeto o paggalang
hanggang sa kawalang-interes ng mga magulang (o galit na mga magulang). Papaano
hinaharap ng ating mga guro ang ganitong
suliranin? Ano pa ba kaya ang tingin ng mga mismong
guro sa kanilang propesyon? Ating alamin.
Upang lubos natin maunawaan, nagtanong ako ng mga
simpleng katanungan sa isang guro na mula sa pampublikong paaralan at isang guro naman na mula sa pampribadong paaralan tungkol sa
kanilang propesyon.
* * *
Tanong: Bakit gusto po ninyo ang pagtuturo sa kabila
ng mga araw-araw na suliraning kinahaharap ninyo?
Public school teacher: “Sa totoo lang, simpleng tanong lang yan, pero
mahirap itong sagutin ng isang guro na kagaya ko. Pero, isa lang ang
pinakadahilan kung bakit, at iyon ay gusto kong gayahin ang naging guro ko
noong nag-aaral pa ako… Naalala ko pa noong nahihirapan ako sa matematika, siya
mismo ang tumulong sa akin, talagang binigyan niya ako ng ekstrang pansin.
Batid kong gusto niya talagang akong magtagumpay… nagmalasakit siya… kaya ipinangako
ko sa sarili na gagawin ko rin ito sa aking
mag-aaral.”
Private school teacher: “ Kung minsan nga naiisip ko, ‘hanggang kailan kaya
ang ganitong istilo ng buhay?’ Masakit sa aking kalooban pero kapag tinitignan
ko ang aking mga anak [ mga estudyante]
Napapaisip rin ako na,’kailangan nila
ako, itutuloy ko pa rin ito’… Masaya akong gumagawang kasama ng mga bata.Yun
na lang ang gumaganyak sa akin”
Tanong: Ano po para sa inyo ang isang guro/ mga
guro?
Public school teacher: “Ang isang guro ay dapat ituring o pakitunguhan na
kagaya ng mga ibang propesyunal at hindi
tulad ng isang dakilang katulong o yaya lamang. Sapagkat sila ay may mabigat na
responsibilidad o pinapasan. Kung wala sila, ano na kaya ang mangyayari sa atin? Sana ay pagnilayin ng lahat ito”
Private school teacher: “Sa kabila ng napakaraming inaasahan sa mga guro,
subalit kadalasan ay kakaunting papuri ang buhat sa publiko ang tinatanggap ng
mga dedikadong guro sa ating mga paaralan para sa kanilang mga pagsisikap—para
pa rin sa akin ang mga guro ang nagpapaikot sa sandaigdigan. Sila ang gumagawa
ng pagbabago sa buhay ng isang tao.Sila
ang pinakamabuting impluwensya sa mga kabataan.”
Tanong: Ano po ang iyong nagugustuhan sa loob ng
silid-aralan? Meron pa po ba?
Public school teacher: “ Oo naman.Siyempre hindi maiiwasan ang magalit at
mapagod, pero ang gusto ko sa klase ay ang pagiging mapamangha ng mga
estudyante sa pinag-aaralan nila – dahil inosente sila, bago pa lang sa kanila
ang ganung kaalaman, kagaya ng pag-eekperimento sa laboratoryo o kaya naman ng
pagpapaliwang ng simple sa isang komplikadong situasyon… Natutuwa rin
ako sa kanilang mga personalidad kagaya ng mapagbiro, malambing, alerto,makulit
o mapagtanong.
Private school teacher: “ Ang pinakamatinding kagalakan sa klase ay ang pagkatanto
ko na nagtagumpay ako sa pagpukaw sa interes ng mga mag-aaral sa isang paksa.
Halimbawa, pagkatapos kong maipaliwanag ang isang punto sa kasaysayan, ganito
ang ilang estudyante: “ Sige pa po. Magkuweto
pa kayo!” habang ang kanilang mga mata ay nagniningning sapagkat nauunawaan
nila ang isang paksa.
Ang iba naman ay kusang napaplakpak dahil nasasagot ko
at napapatunayan ko ang mga mapanuring tanong
nila, katulad ng mga: “Sir, kung hindi si
Magellan ang una, sino po talaga ang unang nakaikot sa buong mundo?” Saan po
pala matatagpuan ang DNA at Atom?” “Pwede po bang maglakbay sa outer space ang
scuba diver, diba may oxygen naman s’ya?” o kaya naman “ Sir ano po ang pagkakaiba ng cartoon, caricature at animation?” “Sir
bakit sa perya tinawag siyang Ferris Wheel?” at marami pa….Talagang
nagagalak ako sa kanilang pagiging mapanuri.
(Mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan)
Tanong: Meron po ba kayong mensahe sa lahat ng mga
estudyante po ninyo? Ano po iyon?
Public school teacher: “ Gawin n’yo lang ang mga pinapagawa namin [ mga guro] sa inyo. Huwag kayong
mag-alala dahil kagaya ng inyong mga tunay na magulang,hangad naming ang
kabutihan para sa inyo. At walang titser na gustong ipahamak ang kaniyang mga
estudyante… Mag-aral kayong mabuti”
Private school teacher : “ Sana
matupad ang inyong mga pangarap dahil bilang isang guro, kapag ang mga
mag-aaral ay nagsipagtapos at natuppad ang kanilang mithiin sa buhay…
Siguradong maligaya kayo, pero ang mga pinakamaligayang tao sa balat ng lupa ay
kaming mga guro ninyo…
(patawang
dinagdag niya) …Kaya ‘wag nyo kaming
suwayin at imbes ay alagaan nyo kami!”
* * *
Ang dalawang guro na aking nakapanayam
ay sinadyang itago o ikubli ang kanilang pangalan upang maiwasan ang mga negatibong pang-huhusga sa kanila. Lahat
ng mga katanungan ay buong puso nilang sinagutan at pawang katotohanan ang
isinaad nila tungkol sa estado ng mga guro, mula sa pampublikong paaralan man o
pampribadong paaralan man…
Sila nga ay mga dakila, na masasabi ko, hindi kayang
gawin ng mga ibang propesyonal ang kanilang ginagawa.Sila ay kagalang-galang na
tao dahil katulong at tulay natin sila sa pagtupad ng ating pangarap… Uulitin
ko “PAGTUPAD NG ATING PANGARAP” Sila ay kailangan nating irespeto dahil naging
guro rin si Confucius, si Aristotle,o si Dr, Jose Rizal. At natatandahan mo ba
na naging guro rin si Hesu Kristo?
Kukunin ko ang pagkakataong ito at ang atensyon ng
lahat ng mga estudyante na nag-aaral (o mga nagsipagtapos na), nais ko sanang
itanong sa inyo: “Pinasalamatan mo na ba
ang iyong mga guro? Kung hindi, kailan pa?”
Ngayon nauunawaan na natin nang lubos ang sitwasyon ng
ating mga giliw na guro at ang kanilang tunay na pagmamahal sa kanilang
estudyante, ito ay nagpapahalata na tayo ay may utang na loob sa kanila. Huwag sanang alisin iyon sa mga puso
natin. At nais ko rin iwan ang isa pang
tanong sa lahat-lahat, kasama na ang nagbabasa nito ngayon:
MGA GURO.
Kailangan ba natin sila?
-- ROMAR A. PABUSTAN, (2005)
romar pabustan romar pabustan romar pabustan romar pabustan romar pabustan romar romar pabustan romar pabustan romar pabustan romar pabustan
(happyromar@gmail.com)